Biyernes, Enero 18, 2013

Mistress ka? Dapat ba matuwa ka?


ANO BA ANG MISTRESS?
       “Kapag ang isang babae ay nagkagusto at nagkaroon ng relasyon sa isang lalaking may asawa na, ang tawag sa kanya ay MISTRESS. Pero kapag ang lalaki ay nagkagusto at nagkaroon ng relasyon sa isang babaeng may asawa na, ang tawag sa kanya ay LOVER!” Ito ang naaalala ko sa aking klase sa Filipino12. Ito ay nabanggit ni Sir Edgar Samar, isang mahusay na guro ng Kagawaran ng Filipino sa Ateneo de Manila University.
        Akala ko talaga dati na isang napakalaking pribilehiyo ang maging isang MISTRESS. Marami kasing kahulugan ang salitang MISTRESS.
        Sa ibang bansa, ito ay maaaring tumukoy sa isang babaeng may mataas na kapangyarihan. Ito ay maaari ring tumukoy sa babaeng may alagang hayop o may alipin.  Ginagamit pa nga dati ang salitang ito bilang pagbati o paggalang sa isang babae. Sa katunayan, ito ay ginagamit bilang pantawag sa mga diyos o diyosa ng mga taga Ehipto at Gresya.
Halimbawa:
Mistress of the house of life, The Egyptian goddess Isis
Mistress of the west. The Egyptian goddess Hathor
Mistress of the temple,the Egyptian Goddess of the underworld Nepthys.

        Sa mga kahulugan at halimbawang nabanggit ko kanina, hindi ibig sabihing dapat kang matuwa na isa kang MISTRESS. Sa panahon natin ngayon, hindi ka dapat matuwa kapag sinabihan kang MISTRESS. Dapat magalit ka. Dahil kapag sinabihan ka ng isang tao na ikaw ay isang MISTRESS, isa lang ang ibig sabihin nito. Hindi ibig sabihing ikaw ay maganda at makapangyarihan. Hindi rin ibig sabihing isa kang diyosa. Dahil sa panahon natin ngayon, ang kahulugan ng MISTRESS ay KABIT, KERIDA o “THE OTHER WOMAN”. Ang ibig sabihin nito ay may relasyon ka sa isang lalaking may asawa na!

BAKIT NGA BA NAGKAKAROON NG MISTRESS?
        "I take you (Bride), to be my wife, to have and to hold from this day forward, for better or for worse, for richer, for poorer, in sickness and in health, to love and to cherish; from this day forward until death do us part." Ito ang kadalasang panata sa mga kasal.
        Nang ikasal ang isang lalaki at babae, ipinangako nila sa isa't isa na sila ay magsasama habang buhay. Pero bakit ba sila nambababae at nanlalaki? Sa aminin man natin o sa hindi, madalas lalaki ang nambababae o nangangaliwa kaya nagkakaroon ng mistress, kabit, kerida o “the other woman.”



        Pero bakit nga ba sila nangangaliwa? Ang madalas sabihin ng mga lalaki ay nagkulang daw ang kanilang mga asawa. Pero sigurado ka ba na sila ang talagang nagkulang? o kayo ang nagkulang?Nang ikasal kayo, nangako ka na siya lamang ang iibigin mo, sa hirap at ginhawa. Mamahalin mo siya at hindi sasaktan. Pero bakit ka gumagawa ng isang bagay na alam mong masasaktan ang asawa mo? Kung mahal mo ang asawa mo, hindi mo siya sasaktan at ipagpapalit sa ibang ulam. Pero sa iba, ang rason nila ay gusto lang nila tumikim ng ibang ulam. Ano ba talaga ang rason kung bakit mo mahal at pinakasalan isang babae? 
1. Pinakasalan mo siya dahil mahal mo siya.
2. Pinakasalan mo siya dahil siya ang nagbibigay rason sa iyo upang mabuhay.
3. Pinakasalan mo siya dahil naiiba siya sa lahat.
4. Pinakasalan mo siya dahil siya ang karapat-dapat sa iyong paningin na maging ina ng iyong mga anak.
5. Pinakasalan mo siya dahil hindi mo siya ipagpapalit kalianman.

       Tandaan na hindi laruan ang mga babae kaya kapag pinagsawaan, itatapon na lang na parang basura. Hindi natin dapat sinasaktan ang mga babae dahil sila ay mga babasaging hiyas. Dapat ingatan at mahalin upang mapanatiling maganda at hindi mabasag.

ANO BA ANG TUNAY NA PROBLEMA?
     Sa hirap ng buhay ngayon, maraming mga Pilipino ang nagiging pokpok kaya ibinebenta ang sariling katawan. Nasisira tuloy ang mga pamilya dahil may kabit ang tatay o nanay. Pero bakit nga ba may mga babaeng pinipilit na magkarelasyon sa isang lalaking may asawa't anak na? Hindi natin sila masisisi dahil mahirap ang buhay ngayon. Mahirap maghanap ng trabaho kaya kumakapit sa patalim, kahit alam na may asawa na. Kahit na itinataboy at inaaway, kinakapalan pa rin nila ang kanilang mga mukha. Hindi natin alam ang kanilang mga nararamdaman. Maaaring nasasaktan din sila, kahit alam nila na hindi sila magiging legal na asawa. Ginagawa pa rin nila ito kahit alam nilang magiging masama ang tingin sa kanila ng lipunan. Dahil ito sa hirap ng buhay ngayon, kaya nila ito nagagawa. Ito ay isang masakit na katotohanan.

MENSAHE SA MGA MISTRESS
       Kung ako man ay isang babae, hindi ko kailanman ipagpapalit ang aking dignidad bilang isang babae. Hindi ko papayagang madumihan ito kahit na maghirap ako at kumain ng asin. Hindi ko kailanman ibebenta ang katawan ko para lang may makain. Hahanap ako ng isang disenteng trabaho.  Iba kasi ang pakiramdam na ikaw ang una at tunay na asawa, at hindi ang kerida. Kahit anong mangyari, naniniwala ako na tutulungan ako ng Diyos na makahanap ng magandang trabaho. Naniniwala rin ako na kasama ko siya sa anumang pagsubok na aking haharapin. Hindi ako kailanman kakapit sa patalim dahil ayaw ko na madumihan ang pagkatao at dignidad ko. Basta naniniwala ako na mga pagsubok lang iyon ng Diyos sa akin upang malaman kung gaano ako katatag. Para sa akin, hindi ka dapat matuwa na isa kang MISTRESS.